Ang pangunahing may karatapan sa paglikha ng mga pelikulang ukol sa mga etnolinggwistikong grupo ay ang mga miyembro nito dahil sila rin mismo ang lubos na nakakaalam ng kanilang naratibo at pakikibaka. Para kay Barry Barclay, ang mga naunang moda ng pelikula (Hollywood, pelikulang-sining mula Europa, Third Cinema) ay hindi umaakma sa kanilang sitwasyon at identidad bilang bahagi ng isang etnolinggwistikong grupo. Ito ang magiging tungtungan sa paglunsad ng teoryang “Fourth Cinema.†Dinalumat ng papel na ito ang mga isyung nakapaligid sa paglikha ng pelikula ng isang miyembro ng etnolinggwistikong grupo patungkol sa kanila. Inilapat para rito ang teoryang Fourth Cinema (Barclay) sa piniling pelikulang case study “Ganab di Anosâ€â€”likha ng isang mamemelikulang Igorot (Clemente). Tiningnan ang kaangkupan ng mga pamantayan ng teorya sa pagsuri sa pelikula; pati na ang mga posibleng kahinaan nito buhat sa konteksto ng pag-aaral. Inalam dito kung paano nakaaapekto ang pagiging miyembro ng isang etnolinggwistikong grupo sa uri ng naratibong makikita sa pelikula at uri ng representasyong ipinamalas ng pelikula. Ininterbyu para rito ang mga mamemelikulang Kankanaey bilang pagpapatibay sa mga inilatag na ideya. Nagsagawa rin ng tekswal na analisis sa pelikulang “Ganab di Anos†upang makita ang iba’t ibang aplikasyon ng teorya sa kanilang praktika. Natuklasang hindi binabagayan ng mga mamemelikulang Kankanaey ang Hollywood, maging ang mga pelikulang mula Maynila, sa paglikha ng kanila. Sagana ang kanilang komunidad sa mga naratibong hindi pa nagagawa ng industriya mapabanyaga man o lokal. Pamilya ang ang pangunahing dahilan nila sa paglikha ng pelikula dahil ito ang pamamaraan upang ipaalala sa kanilang mga anak ang kanilang kultura’t identidad.