HomeDALUMAT E-Journaltomo 7 bilang 1 (2021)

PULSO NG BAYAN: REAKSIYON NG MGA FILIPINO TUNGKOL SA MGA PILING PAHAYAG NI DUTERTE KONTRA KABABAIHAN AT ANG DULOT NITO SA PAGPAPAUNLAD NG PAMAYANAN

John Carlo S. Santos

 

Abstrak:

Palagiang laman at lantaran sa midya ang hindi maikakailang seksista at misogonistang posisyon ni Duterte tungkol sa mga babae – mga komoditi na puwedeng ipagbili at lapatan ng halaga; seksuwal sapagkat ang silbi nila’y nakasalalay lamang sa pagkakaroon ng puke; at na kasalanan ng kanilang kagandahan kung bakit sila likas na ginagahasa. Ang gayong patuloy at di-mapigil na pang-aapi sa sektor ng kababaihan ay tiyak na magdadala sa kanila sa mas bulnerableng sitwasyon at kalagayan sa lipunan, at ang posibleng epekto nito sa pananaw ng mga Filipino pagdating sa isyu ng kasarian ang tinutukan sa pananaliksik sa pamamagitan ng pagsasanib ng kalitatibo at kantitatibong analisis (pundasyon ng Digital Humanities) sa 9759 komentong nakalap sa tatlong piling Facebook post mula sa Rappler (1126), ABS-CBN News (7338), at Philstar (1295). Nahahati sa dalawang panig ang mga komentor – ang kontra-Duterte na ang kalikasan ng kanilang mga opinyon ay impormatibo, nakasentro sa pagpapaliwanag at pagbibigaykahulugan sa paksa ng post, at kadalasang paghahalo ng wikang Ingles at Filipino; at ang proDuterte na nagpapalampas (pumepero) sa mga paratang ng pangulo, bagaman inaamin nilang mali at bastos ito, dahil marami naman daw itong nagawang mabuti kaysa masama, dagdag sa mga komentong umaatakeng ad hominem at sa mga lumulutang na mga katagang ok lang, pumayag naman, pero maraming nagawa, kaysa sa iba, hindi ‘yan freedom of expression, at marami pang iba. Kalakip din nito ang pagpapaliwanag sa dikotomiyang Dilawan-DDS – ang kaisipang pumaimbabaw sa mga inanalisang datos. Sa huli, nakita itong oportunidad, sa halip na suliranin, na makatutulong sa pagmomobilisa at pag-oorganisa sa mga mamamayang Filipino sa birtuwal na komunidad, sa lente ng mga taktikang pamPagpapaunlad ng Pamayanan (Community Development) tulad ng naging pundasyon ng #BabaeAko Movement.