HomeTambaravol. 26 no. 1 (2009)

Dalawang Mukha ng Kasaysayan sa Silangang Mindanaw

B R. Rodil

Discipline: Religion, History

 

Abstract:

Ang binhi ng pag-aaral na ito ay isang tanong: Papaano tayo nasupil ng mga kolonyalistang Kastila sa ating sariling lupa at tayo ay laging nakararami?

 

Hindi ko hangad na masagot nang buong-buo ang tanong na ito. Ang tanging layunin ko ay makapagbigay ng panimulang sagot at giya para sa karagdagang pananaliksik.

 

Pinili ko ang teritoryo na ngayo’y tumutugma sa dalawang probinsya ng Agusan, dalawang probinsya ng Surigao, at hilagang bahagi ng Davao Oriental sa sumusunod na mga dahilan. Una, dito nangyari ang pinakamatingkad na pag-alsa at pagtutol ng mga tao laban sa mga Kastila (maliban sa pakikibaka ng mga Moro). Pangalawa, dito nagkaugat nang malalim ang Kristiyanismo bunga ng halos walang patlang na misyon ng mga Agustinong Recoleto at mga Hesuwita. At pangatlo, dito maituturing na matatag ang pagkakatayo ng kolonyalismong Kastila.

 

Ang pag-aaral ay nakatutok sa dalawang bahagi. Ang unang bahagi ay tungkol sa pakikihamok ng mga tao laban sa mga Kastila, at ang ikalawang bahagi ay tungkol sa pagtanggap ng mga tao sa pananampalataya ng mga Kastila. Sa pagtatabi ng dalawang ito ay inaasahang mabibigyan ng kaukulang pansin ang dalawang mukha ng ating kasaysayan.