HomeUE Research Bulletinvol. 22 no. 1 (2020)

Ang Tambobong Monument ng Malabon at Triumvirate Monument ng Valenzuela Bilang Simbolo ng Kalinangan at Kasaysayan

Ramon Rafael M. Quiroz | Rhinalou C. Salamat

 

Abstract:

Ang Tambobong Monument na matatagpuan sa pagitan ng Letre Road at C-4 Road ay isang konkretong representasyon ng mayamang kultura ng Malabon. Ang bantayog na ito ay sumasalamin sa pamamaraan ng pamumuhay ng mga tagaMalabon sa loob ng mahabang panahon. Una itong tinawag na Malabon's Landmark ngunit nagpalit ng pangalan kasabay ng pagdiriwang ng kauna-unahang Tambobong Festival sa nasabing lungsod noong Abril 21, 2017. Samantala, ang Triumvirate Monument naman na matatagpuan sa Valenzuela ay isang mahalagang salaysay ng kabayanihan. Ito ay obra maestra ni Esabelio "Napoleon" Abueva. Ang pagkatatag nito ay patunay ng marubdob na pagpupugay sa kabayanihang ipinamalas ni Dr. Pio Valenzuela sa kasaysayan ng bansa. Taglay ng monumentong ito ang mga mahalagang kwento ng kasaysayan ng kapuluan tungo sa pagkamit ng kalayaan. Kaisa siya nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto sa pagbuo ng Sangguniang Lihim ng Katipunan sa kasagsagan ng himagsikan tungo sa kalayaan noong huling bahagi ng ika-19 na siglo. Layunin ng pag-aaral na ito na magkaroon ng mas malalim na pag-unawa sa mga bantayog na nabanggit ang mga mamamayan ng Malabon at Valenzuela. Mahalagang makita ang kahalagahang taglay ng mga bantayog na ito bilang bahagi ng kanilang pagkakakilanlan at kasaysayan. Naging mabisang gabay din ito sa pag-uugat ng lokal na kasaysayan ng mga naturang lungsod. Ang detalyadong pag-aanalisa sa angking katangian ng dalawang bantayog ay nagsilbing tulay na nagdurugtong sa kasalukuyang kalagayan ng mga lungsod sa makulay nitong nakaraan. Sa pag-aaral na ito, gumamit ang mga mananaliksik ng mga sumusunod na pamamaraan: 1) paggamit ng mga dokumentong naglalaman ng mga datos hinggil sa dalawang bantayog; 2) pagtungo sa mga silid-aklatan, bahay-sinupan at ilang mga ahensya ng pamahalaang may kaugnayan sa pag-aaral; 3) direktang pagsangguni sa mga pamahalaang lokal ng mga naturang lungsod para makakalap ng mga datos at kaugnay na pag-aaral hinggil sa mga bantayog; 4) personal na pagtungo sa mga lugar na mismong kinaroroonan ng mga naturang bantayog; at 5) panayam sa ilang mahahalagang indibidwal na may malaking gampanin sa pangangalaga ng mga naturang bantayog. Mahalaga ang pag-aaral na ito dahil nagsilbing gabay ito upang mabuo sa kamalayan ng bawat mamamayan ang kagandahan at kahalagahan ng kultura na kinakatawan ng bawat simbolismong nakaukit sa mga eskulturang nabanggit.