Bryan V. Bawit | Marian I. Claveria | Juree Mae N. Cortez | Aaron Mari D. Alcala
Ang pag-aaral na ito ay nagtuon ng pansin sa mga kwalipikasyon ng Kagawaran ng Edukasyon sa kung papaano magkakaroon ng Sports Track sa Colegio de San Juan de Letran Calamba at ang proseso ng implementasyon nito. Wala pang pag-aaral na nagpapakita na ang Letran Calamba ay posibleng maghain ng Sports Track. Ang disenyo na ginamit sa pag-aaral na ito ay ang kwalitatibo at kwantitatibong metodo. Gamit ang disenyong ito, mas malinaw na nailalahad ng mga mananaliksik ang mga datos sa pamamagitan ng pag-iinterpret ng mga nainterbyu ng mga mananaliksik. Sa tulong ng kwantitatibong metodo, inuri ng mga mananaliksik kung ano ang preferens ng mga mag-aaral na kuning track sa tulong ng sarbey kwestyuners. Gumawa rin ng SWOT (Strengths, Weaknesses, Opportunities and Threats) Analysis ang mga mananaliksik na nakaangkla sa interbyung isinagawa. Naipakita rin dito ang mga kinakailangang rekisito sa pagpapatupad ng Sports Track sa pamamagitan ng Matrix. Naipakita naman sa tseklist kung ano ang mayroon at wala ang Colegio de San Juan de Letran Calamba ayon sa rekisito ng Kagawaran ng Edukasyon. Isinagawa ang pag-aaral na ito sa mga mag-aaral na nasa ikasiyam na baitang na nagmula sa Colegio de San Juan de Letran Calamba, Calamba Bayside Integrated School, at sa Eduardo Barretto, Sr. National High School na nilahukan ng 1,063 na mag-aaral. Batay sa mga datos na nakalap ng mga mananaliksik, masasabing ang Sports Track ay posibleng ipatupad sa Colegio de San Juan de Letran Calamba para sa mga mag-aaral partikular na sa lebel ng Senior High School. Ito ay sa kadahilanang mas higit na marami ang kalakasan at oportunidad ng Letran Calamba kung ito ay maipatutupad. Lumabas din sa resulta na nasa isang daan at walongpu’t pitong (187) mag-aaral ang interesado sa pagkuha ng Sports Track. May posibilidad na makabuo ng limang seksyon sa Sports Track mula sa mga interesadong mag-aaral.