Carla P. Garcia | Danica Sen A. Alayon | Leanna Marie C. Morada
Ang pag-aaral na ito ay isang kwalitatibong pag-aaral. Partikular na ginamit ang Phenomenological Approach na nagnanais matukoy ang emosyonal na estado ng mga piling bilanggo sa Bureau of Jail Management and Penology - Lipa City, Batangas. Ito rin ay nakatuon sa tatlong layunin; ang pang-araw-araw na karanasan sa loob ng bilangguan, ang emosyonal na estado ng mga bilanggo, at ang kanilang emosyonal na pangangailangan. Ang pag-aaral ay mayroong anim na tagatugon na limang taon nang namamalagi sa loob ng bilangguan. Sumailalim sila sa proseso ng pakikipanayam na siyang pinagmulan ng mga datos. Sa karagdagan, ang mga mananaliksik ay gumamit ng tematikong pag-aanalisa ng mga nakalap na datos. Ang pangunahing resulta ng pag-aaral na ito ay nagsasaad na mayroong mga bilanggo na natanggap na ang kanilang kinahinatnan ngunit hindi mawawala ang pagsisisi at pangungulila na kanilang kinakaharap. Bilang rekomedasyon ng mga mananaliksik sa hinaharap ay maaaring magbigay pansin naman sa mga bilanggong bago pa lamang na bilanggo dahil maaaring mas matindi ang emosyong kanilang kinakaharap.