Joseph B. Aguilera | Mary Joy C. Pareja | Crislene C. Tolentino
Ang pag-aaral na ito ay naglayon na mailathala ang pag-uugali at motibasyon ng pangkat-etnikong Badjao na naninirahan sa Maynila partikular sa mga Badjao na natagpuan sa Brgy. Sampiruhan sa bayan ng Calamba, Laguna. Ang layunin ng pag-aaral na ito ay mailahad ang mga katangian ng mga kalahok na nagmula sa isang pamilya ng pangkat-etnikong Badjao, mailahad ang mga kwento ng pangkat-etnikong Badjao patungkol sa kanilang motibasyon sa pagtira sa Maynila sa aspeto ng intrinsic motivation, at extrinsic motivation, matukoy ang motibasyon sa pagtira sa Maynila ng pangkat-etnikong Badjao sa sikolohiyang aspeto ng interpersonal na naglalayong matukoy ang sariling pag-iisip o nararamdaman ng isang tao at intrapersonal na nagnanais na malaman ang mga pagbabago sa mga kalahok na nagmula sa isang pamilya ng pangkat-etnikong Badjao sa mga sumusunod na aspetong sikolohikal ng sila ay tumira sa lunsod at huli ay matukoy ang mga pagsubok na kinakaharap ng mga kalahok sa pagtira sa lunsod. Ang pag-aaral na ito ay isang case-study kung saan ginamitan ng kwalitatibong metodo ng pananaliksik habang ang mga datos na nakuha sa apat na Badjao na mula sa iisang pamilya, key informant, at ang datos na mula sa pangunahing tauhan ng DSWD sa munisipalidad ng Calamba ay nakalap sa pamamagitan ng madibdibang pag-iinterbyu. Ang nakalap na mga impormasyon ay ginamitan ng tematik analisis upang masala, malikom at mailathala nang matagumpay ang mga datos. Sa pag-aaral na ito, inilarawan ang kanilang mga katangian bilang isang responsableng magulang na siyang naging prayoridad ang pananatiling ligtas ng kanilang mga supling at masiguro na sila ay magkakaroon ng panlaman sikmura sa araw-araw. Ikalawa ay ang kanilang mga sikolohikal na motibasyon upang ipagpatuloy ang kanilang pamumuhay sa lunsod sa apeto ng intrinsic at extrinsic na motibasyon na siyang nagpakita na ang pinupunto ng kanilang intrinsic ay ang pagiging maganda at positibong pananaw ng mga pangkat-etnikong Badjao sa mga kristiyano habang ang extrinsic motibasyon na kung saan sila ay nagiging partikular sa kanilang kaligtasan. Habang ang panghuli ay ang mga pagsubok na kanilang naranasan sa lunsod na kinapapalooban ng kanilang kakulangan sa mga panguhing pangangailangan gaya ng pagkain, kasuotan, at matitirahan. Binanggit din dito ang mga pagsubok na dala ng kapaligiran. Ang unang rekomendasyon ay para sa kapakinabangan ng mga Badjao nais ng mga mananaliskik na magkaroon ng mabuting komunikasyon sa pagitan ng pangkat-etnikong Badjao, at mga mamamayan ng lunsod upang sila ay mabigyan ng sapat na karapatang pantao. Ikalawa, para sa mga pampubliko at pribadong paaralan, inirerekomenda ng mga mananaliksik na magkaroon ng sapat na libro na maaaring maglathala ng buhay hindi lamang ng pangkat-etnikong Badjao kung hindi na rin ng iba pantribo sa Pilipinas. Sa paraang ito, mapag-aalaman ng mga mamamayan ng lunsod ang kanilang kahalagahan. Ikatlo, para sa gobyerno, ninanais ng pag-aaral na ito na maipabatid sa gobyerno ang kasalukuyang buhay ng pangkat-etnikong Badjao upang sila ay mabigyan ng sapat na atensyon at proteksyon. Ikaapat, para sa mga mamamayan ng lunsod, katulad ng nabanggit sa taas nais ng mga mananliksik na maging maalam ang mga mamamayan ng lunsod sa buhay ng mga Badjao sa patag at nawa’y magkaroon sila ng sapat na pang-unawa at pagiging matulungin maging ito man ay sa pamamagitan ng materyal o di-materyal na bagay. Ang huli ay para sa mga mambabasa at mga mananaliskik sa hinaharap na nais magsagawa ng kahalintulad ng pag-aaral na ito, inirerekomenda ng mga mananaliksik na kayo ay maging mas matiyaga at masipag sa paghahanap ng mga literatura, kalahok at datos. Kinakailangan din ng mahabang pasensya upang maging matagumpay ang pananaliksik.