Bea Angeli F. Delos Reyes | Princess Lourgiline D. Mercado
Ang layunin ng pag-aaral na ito ay malaman kung anu-ano ang kadahilanan ng pagkabigo ng mga mag-aaral sa larangang pang-akademiko; matukoy kung ano ang naging pagpapakahulugan sa sarili matapos makaranas ng pagkabigo; at mailahad ang pananaw ng mga mag-aaral sa naging bunga ng kanilang pagkabigo sa larangang pang- akademiko at sa sarili. Ang pag-aaral na ito ay mayroong anim (6) na kalahok na nasa ikalawang antas sa kolehiyo na nag-aaral sa UPLB na nakaranas ng pagkabigo sa larangang pang-akademiko. Kwaliteytib ang disenyo ng pag-aaral na ito upang mapalalim at mapalawak ang kaalaman ng mga mananaliksik ukol sa emosyonal na estado ng mga mag-aaral sa larangang pang- akademiko. Gumamit ang mananaliksik ng gabay na palatanungan para sa interbyu na isinigawa upang makakolekta ng mga datos at impormasyon na ginamit sa pananaliksik. Ginamitan din ng Phenomenological Approach ang pag-aaral na ito upang mailarawan ang buhay na karanasan ng mga kalahok. Ayon sa mga datos at impormasyon na nakolekta ng mga mananaliksik gamit ang metodong thematic analysis, ang mga dahilan ng pagkabigo ng mga mag-aaral sa larangang pang-akademiko ay and mga sumusunod: 1) hindi tamang pangangasiwa ng oras; 2) pagkakaramdam ng presyur; 3) hindi sariling kagustuhan ang nasunod sa pagpili ng kurso at unibersidad; at 4) pagdanas ng hirap sa pag-aaral na nagresulta sa pagpapabaya. Ang naging pagpapakahulugan naman ng mga kalahok sa sarili ukol sa pagkabigo sa larangang pang-akademiko ay mababang pagtingin sa sarili at nakaranas o nakaramdam ng depresyon. Ang naging pananaw ng mga kalahok sa naging bunga ng kanilang pagkabigo sa larangang pang-akademiko ay kawalan ng pag-asa sa pag-aaral at pag-alinlangan sa sariling kakayahan. Ang rekomendasyon ng mga mananaliksik para sa mga mag-aaral ay bantayan ang kanilang emosyonal na estado, magkaroon ng lakas ng loob upang humingi ng tulong mula sa mga espesyalista at humingi ng tulong sa mga kaibigan o propesor ukol sa asignaturang kinahihirapan at magkaroon ng oras para sa kanilang sarili upang makapagrelaks at makapagpahinga mula sa mga pang-akademikong gawain. Para sa mga unibersidad at sa propesor, inirerekomenda ng pag-aaral na ito na magkaroon ng pagpapahalaga at mabigyan ng atensyon at aksyon ang mental health ng mga mag-aaral upang hindi lamang sa grado ng mga mag-aaral nakapokus. Maliban dito, maaaring lawakan at laliman ng mga susunod na pag-aaral ang pag- aaral na ito sa pamamagitan ng paggamit ng ibang teorya o disenyo ng research. Ang pagtutok sa ibang grupo ng mga mag-aaral ay maaari ring ikonsidera.