HomeAni: Letran Calamba Research Reportvol. 19 no. 1 (2023)

Sining ng Panghihikayat: Isang Pamamaraan ng Pagpapahayag ng Kaisipan ng Miyembro ng Anakbayan sa UPLB

Christy Jane Recto | Ma. Cristina Panganiban | Zyrus Bartolome

 

Abstract:

Layunin ng pag-aaral na ito na mailahad ang iba’t ibang pamamaraan ng pag-papahayag na ginagamit ng Anakbayan na maaring nakaaapekto sa kaisipan ng tagapakinig upang makahikayat, at alamin ang mga sumusunod: (1) uri ng pagpapahayag na ginagamit ng Anakbayan upang makahikayat; (2) paraan ng panghihikayat ng mamamayan na ginagamit ng Anakbayan; (3) mga naidulot sa mga kalahok ng mga ginawang panghihikayat ng Anakbayan. Sa pamamagitan ng isang kuwalitatibong pag-aaral, partikular ang deskriptibong disenyo sa pag-aaral ng kaso, kaming mga mananaliksik ay nagsagawa ng key informant interview. Kinapanayam namin ang tagapamuno ng Anakbayan sa UPLB tungkol sa mga uri ng kanilang pagpapahayag, at proseso ng panghihikayat. Anim na kalahok ng pag-aaral ang kinapanayam tungkol sa naging pananaw o tindig nito sa kaisipan na ipinahayag ng Anakbayan. Sinuri rin namin ang mga pinagbabatayang tema tungkol sa mga naging pahayag ng kalahok sa ginawang pag-aaral. Lumabas sa resulta na malinaw na naibabahagi ng Anakbayan ang kanilang mga gawain sa pamamagitan ng educational discussions, community organizing, at iba pa. Gayundin, ang mga Anakbayan ay walang tigil na nanghihikayat upang dumalo sa kanilang pag-aaral, mga mobilisasyon, at maging miyembro ng kanilang organisasyon. Dagdag pa rito, malaki ang kontribusyon ng pagdalo sa mga pag-aaral ng mga progresibong organisasyon tulad ng Anakbayan sapagkat nakakapagmulat ito sa tunay na kalagayan ng ating lipunan sa pamamagitan ng pagsunod sa kanilang bahagdan na proseso: Arouse, Organize, Mobilize (AOM). Isinasaad din ang mga naging tindig ng mga kalahok sa kanilang naunang perspektibo sa Anakbayan na naaapektuhan depende sa panahon at lugar na kinasanayan. Samakatuwid, napatunayan at naipakita na ang sining ng panghihikayat ay mabisang pamamaraan ng Anakbayan sa pagpapahayag ng kanilang kaisipan.