Gina R. Catalig | Ma Jennifer E. Matias | Lorenell E. Umbreit
Discipline: Asian Studies
Pokus ng pag-aaral na ito na malaman ang morpolohikal at ponolohikal na varyasyon ng dayalektong Tagalog sa mga piling lugar sa lalawigan ng Quezon. Isasagawa ang pag-aaral na ito upang matugunan ang mga sumusunod na layunin:1) Malaman ang morpolohikal at ponolohikal na varyasyon ng wikang Tagalog sa mga piling lugar sa lalawigan ng Quezon; 2) Maitala ang mga wikang Tagalog na palasak na ginagamit na mga katawagan o termino ng mga kagamitan sa loob ng tahanan; 3) Malaman anong pagbabagong morpoponemiko ang matatagpuan sa dayalektong Tagalog sa lalawigan ng Quezon; 4) Malaman ang mga salik na nakakaapekto sa morpolohikal at ponolohikal na varyasyon ng wikang Tagalog; at 5) Makabuo ng “Lingguwistikong Mapa ng wikang Tagalog sa lalawigan ng Quezon.” Ang mga manunulat ay gumamit ng pamamaraang palarawan o (descriptive) sapagkat sinasaklaw nito ang kasalukuyan at ang kwalitatibong pamamaraan ng pananaliksik upang makakuha ng kaukulang datos. Ginamit din ang “purposive sampling’ at pangkatang talakayan o ‘focus group discussion’ sa mga taong naninirahan sa mga nabanggit na lugar. Gayundin ang frequency percentage para sa demograpikong profayl ng mga tagatugon. Ginamit din ang talatanungan bilang pangunahing instrumento sa pangangalap ng mga kinakailangang datos. Personal na nagtanong, nagmasid o nag-obserba, nakihalubilo ang mga manunulat, at nakipag-usap para sa mga datos na makakalap. Inaasahang sa pananaliksik na ito ay makabubuo ng “Lingguwistikong Mapa ng Wikang Tagalog sa lalawigan ng Quezon.”