Discipline: Literature, Humanities
IBIG KONG MARATING ang Heidelberg at ang Berlin,’’ sabi ko sa aking anak na si Eric nang siya'y dalawin naming mag asawa, noong Mayo hanggang Hunyo, taong 1997, sa Stuttgart, Germany, para makita ang kalagayan niya at mapanood na rin ang Miss Saigon (kasama si Eric sa cast ng mga Filipino sa dulang musical na Miss Saigon). Sinabi ko sa kanyang ang dalawang lungsod na iyon sa Germany ay may malaking bahagi sa buhay ng pambansang bayaning si Jose Rizal bilang dalubhasa sa sakit sa mata. Sa Leipzig nagpakadalubhasa si Rizal sa optalmolohiya. Samantala, sa Heidelberg naman siya nakalikha ng isang madamdaming tula at natapos ang mga huling kabanata ng Noli Me Tangere. Sa Berlin naipagpatuloy ni Rizal ang pagpapakadalubhasa sa panggagamot sa mata, gayundin ang pagpapakinis sa nobela na doon na rin naipalimbag. Sa lungsod pa ring ito, naging mga kaibigan niya ang ilang dayuhang nakaimpluwensiya nang malaki sa kanya, kabilang na si Dr. Ferdinand Blumentritt.