Discipline: History
Ang papel na ito ay masasabing isang pagtanggap sa pagsasanib ng paksa, sangkap at metodolohiya ng mga disiplinang kasaysayan at heograpia. Nilalayon nito ang higit na pag-unawa sa pag-unlad ng lipunan kung titingnan ito mula sa higit na isang disiplina o holistikong pananaw na siyang pinakasukdulang tunguin ng papel na ito. Isinagawa ito dito sa pag-analisa sa tinatayang pinakamatandang mapa ng Maynila, ang Plan of Manila 1577, at ang nakitang pag-unlad urbaniko ng Maynila bago at pagkatapos ng 1577 hanggang 1583.
Batay sa higit na malalim at masusing pag-aaral, makikitang hindi ganap at tunay ang ipinapakitang hugis, hangganan at ayos ng Maynila para sa nabanggit na sakop na panahon ng papel. Naipakita ito sa pagtagpi-tagpi at paghahambing ng mga batis, datos at historikal na mapa. Kaakibat nito ang pagsisiwalat dito ng higit na kapani-paniwalang pagtatalakay sa antas ng pag-sasaayos at pagpapatayuang-urban sa Maynila sa mga unang dekada ng pagsakop ng mga Kastila sa naturang pook.
Higit sa lahat, napatunayan rito ang malaking hakbang sa pag-aaral ng lipunan sa paggamit ng sabay ng higit sa isang disiplina. Kaya natunghayan sa papel na ito ang pag-aaral ng paksang urbanismo, paggamit ng metodo ng kartograpia, at pagtingin sa historikal na mapa bilang pangunahing sangkap sa kasaysayan na hindi pangkaraninwang pinagkakaabalahan sa pag-aaral ng nakaraan.