Discipline: History
Isa sa mga mahahalagang penomenang makikita sa kasaysayan ng populasyon ng Hilagang Luzon ay ang paglipat ng panirahan at ang pandarayuhan ng mga manggagawa sa ibang bayan. Bilang reaksyon sa integrasyon ng lokal na kabuhayan sa umuunlad na pangdaigdigang sistema ng kapitalismo, napasok ang mga Ilokano sa kolonyal na balangkas ng paggawa ng may malawakang panlipunang implikasyon.
Naganap ang kolonyal na integrasyon ng Hilagang Luzon hindi lamang sa loob ng Pilipinas. Sa maraming pagkakataon, nakapasok sa daigdig ng mananakop ang mga Ilokano bilang mga dayuhang manggagawa sa mga plantasyon sa ibang bayan. Ang mga plantasyon sa Hawaii ang isa sa mga naging pangunahing direksyong patutunguhan ng pandarayuhan ng mga manggagawang Pilipino. Isang mahalagang kalagayan ang dami ng bilang ng mga Ilokano sa mga manggagawang Pilipinong nagpunta sa Hawaii bago ang ikalawang digmaang pandaigdig bilang mga nangungunang mga dayong manggagawa na kinailangan ng sistema ng plantasyon.
Ang mga panlipunang usapin ng pagsasadaigdig ng lakas paggawa ng mga nasasakupang bayan gaya ng Pilipinas, ang ugnayang pangmanggagawa na nakabatay sa etnisidad, ang pagkabuo ng pambansang pagkakakilanlan sa harap ng internasyonalisasyon ng paggawa, ang oryentasyong pangkasarian ng pandarayuhang paggawa, at ang kasaysayan ng globalisasyong pinangungunahan ng kapital—ang mga ito ang siyang magiging pangunahing isyung tatalakayin sa masalimuot na phenomenon ng kasaysayan ng pandarayuhan ng mga manggagawang Ilokano bago ang ikalawang digmaang pandaigdig.