Discipline: Society, Philippine History
Ang lalawigan ng Cavite ang kinilalang ulo o moog ng Himagsikan sa unang yugto ng Rebolusyong Pilipino ng 1896. Ngunit sa mga naging pag-aaral sa Rebolusyong Pilipino sa lalawigan, ang kadalasang paksa ay tungkol sa paksyonalismo ng mga kasapi ng Katipunan sa pagitan ng Magdiwang at Magdalo. Kung hindi man, ang mga pananaliksik ay natutuon sa naging papel ng mga kilalang Caviteño sa Himagsikan. Bunga nito, masasabing ang kasaysayan ng himagsikan sa Cavite ay nakapokus lamang sa mga kilalang tao at sadyang nakalimutan na ang papel ng mga pangkaraniwang mamamayang naiipit sa pagitan ng dalawang nagtutunggaling panig.
Ngunit sa pag-aaral na ito, ang pagtutuunan ng pansin ay ang mga pangkaraniwang mamamayan sa Cavite sa panahon ng Rebolusyong Pilipino ng 1896. Tanging mga Pilipino lamang ang pag-aaralan at hindi mga dayuhan. Tinutukoy ng pangkaraniwang Pilipino ang mga mamamayang hindi direktang kasangkot sa labanan o iyong mga hindi nagsihawak ng armas bagama't ang ilan o maraming kapamilya ay naging mga kawal ng Himagsikan. Sa ibang salita, ang pangkaraniwang Pilipinong tinutukoy ay iyong tinatawag ding mga sibilyan.
Tanging ang buhay at pamumuhay ng mga pangkaraniwang mamamayan o ang mga tinatawag na non-combatants ang ilalarawan at susuriin sa papel na ito. Ang panahong sakop ng pag-aaral ay mula lamang sa Sigaw sa Pugadlawin ng Agosto 23, 1896, hanggang sa paglagda ng Kasunduan sa Biyak-na-Bato noong Disyembre 15, 1897. Susuriin ang naging reaksyon at partisipasyon ng mga pangkaraniwang Caviteno mula sa balibalita pa lamang na pagsisimula ng Himagsikan hanggang sa kainitan ng labanan at pagtatapos ng Himagsikan. Kasamang susuriin ang nagging pakikiangkop ng mga Caviteño sa panahon ng digmaan at ang kanilang nagging pagharap sa mga problemang likha ng Himagsikan.