Discipline: Philippine History
Ang paunang pananaliksik na ito ay isang pagtugon sa patuloy na pagbuo ng mga pakahulugan upang mabigyan ng katarungan ang ilang mga tauhan na karaniwang hindi tinuturing na bahagi ng kasaysayan. Sa partikular, ang pag-aaral na ito ay isinagawa upang halughugin ang papel ng katutubo sa kasaysayan ng Baguio. Ang pagtatangkang makabuo ng isang pakahulugan ay kaugnay sa pananaw na ang proseso ng paghubog ng hiyograpiya ng isang lugar ay kasabay ang proseso ng transpormasyon ng tao. Kaakibat ng layuning makabuo ng isang pakahulugan ay ang pagtatangkang makapagtakda ng isang pagpapanahon na nababatay sa mga panloob na pag-unlad ng pook.