Discipline: History
Ang makasaysayang distrito ng Tundo ay napabantog sa maraming kaganapan at konsepto. Isang hindi maaring makalimutan ay mga personalidad na nagbibigay-ningning sa kasaysayan at kulturang Pilipino. Sa mahabang listahan ng mga bayani, mga alagad ng sining at mga prominenteng mangangalakal, ay may mga taong kung hindi man isinilang sa Tundo ay mga nanirahan lamang at lumaki sa Tundo. Kapwa rin makulay na aspekto ng lipunang Tundo ay isang penomenong madalas na pinag-uusapan noong mga nakaraang dekada nguni’t kadalasan ang pang-unawa dito ay batbat ng lisyang pagtanaw o kakulangan sa bukas na isipan—ang sanggano.
Kung tutuusin, ang penomenon at konsepto ng sanggano sa lipunang Tundo ay halos walang pinagkaiba sa iba pang mga pamayanan sa Pilipinas. Gayumpaman, may mga interesanteng karakteristiko ang penomenong sanggano sa distrito na napakahalagang tukuyin upang lalong maunawaan ng madla ang usapin sa konteksto ng lipunang Tundo at ng kabuuang lipunang Pilipino.
Ang papel na ito ay isang pagtangkang makapagbigay ng karampatang pang-unawa sa madalas na lumilibak sa konsepto ng sanggano. Hahangarin ditong linawin ang tungkol sa samu’t-saring aspekto ng penomenon: ang pinagsimulan nito, paano itong nagtagal sa maraming pamayanan sa Tundo, anu-ano ang mga sosyo-pulitikal na implikasyon nito, mga kahulugan nito sa dinamiko ng tinurang pamayanan at mga bagay-bagay tungkol dito, na madalas pag-usapan sa Tundo, nguni’t dahil sa iba’t ibang kadahilanan ay hindi naging bukas na kaalaman sa maraming Pilipino.
Bagamat ang penomenon ay hindi na isang mainit na usapin, may mga hibla at bahid pa ito sa ilang lugar ng distrito. Sa katunayan ang tinurang mga bahid nito ay nagsisilbing mahalagang pagbabalik-tanaw sa diumanong “notoryosong” aspekto ng pamayanang Tundo. Inaasahang makaraan ang pagtalakay sa penomenon, magiging mas malawak ang pag-unawa sa mga sanggano at mabibigyang-linaw din ang mambabasa sa dinamiko ng lipunan, na marahil sa karamihan noon at sa kasalukuyan, ay bahagi lamang ng pagbibigay-saysay sa hindi na nararapat pang tunghayang aspekto ng lipunang Pilipino. Taliwas sa kaalaman ng marami at nagbalewala sa usapin, kaakibat ng penomenong sanggano ay mga pundamental na katotohanan ng ugnayang panlipunan, real pulitika at mga misteryo sa likod ng ilang hindi pangkaraniwang bahagi ng bawa’t lipunan.