Susing salita: Social Science
Layunin ng artikulong ito na tukuyin, suriin, at tasahin ang ilang historiograpikong suliranin at tendensya sa pananalambuhay at pagsusulat ng awtobiograpiya sa Pilipinas batay sa awtobiograpiya ni Manuel Luis Quezon at apat pang akdang-talambuhay hinggil sa kanya na sinulat ng magkakaibang may-akda sa magkakaibang panahon. Sa pamamagitan ng pinaghambing na mga datos at punto-de-bista ng mga akdang ito, lumitaw sa papel ang magkakaugnay na historiograpikong suliranin ng selective mutism at omisyon ng mga detalye, salungatan o kontradiksyon ng mga datos, sanitasyon, at pagretoke ng imahen ng tao, presentasyong may kinikilingan, at manipulasyon ng kasaysayan. Nakapaloob ang lahat ng ito sa kabuuang konteksto ng umiiral na tendensya ng halo biography na panabayang nagsasantabi sa mga negatibong yugto at detalye ng buhay at nag-aangat naman sa mga positibo at kapuri-puri. Pinatunayan ng papel na direktang salik sa ganitong tendensya ang bakgrawnd ng may-akda o mananaliksik at panahon ng pagkakasulat at paglathala ng mga akdang-talambuhay.