Susing salita: Social Science
Marami ang nag-stereotype sa Katipunan bilang samahan ng masa na sugod nang sugod at walang ibang alam gawin kung hindi maging bayolente. Ngunit sa mga pananaliksik ng mga historyador at iba pa sa Agham Panlipunan sa nakaraang tatlong dekada, makikita na lumilitaw na ang tunay na mukha ng Katipunan ay hindi lamang bilang isang samahang mapanghimagsik kundi isang proyekto sa pagbubuo ng bansa. Sa pananaliksik ni Teresita Gimenez-Maceda, kanyang kinonekta, batay sa mga batis ng Katipunan mismo, na ang tunay na kalayaan ng bayan ay maiuugat sa kaginhawaan. Sa pagbanggit naman sa mga pag-aaral sa Sikolohiyang Pilipino tulad nang kay Zeus Salazar, makikita na ang batis ng ginhawa ay ang mabuting kalooban. Kung pag-uugnayin ang mga ito, makikita ang kumpletong larawan ng konsepto ng Katipunan ng Kalayaan: Walang tunay na kalayaan kung walang kaginhawaan, at wala namang kaginhawaan kung walang mabuting kalooban. Dito makikita kung bakit mahalaga ang Kartilya ng Katipunan sa pagpapanatili ng asal ng tao, ang mga anting-anting bilang proteksyon ng kalooban, at ang sanduguan bilang sagisag ng kapatiran at pagiging magkaloob. Ipinakilala ng kanilang karanasan na hindi sapat na humawak lamang ng sandata ang mga Katipunero kundi, kailangan mayroon din silang banal, kapuri-puri, at marangal na hangarin para sa bayan. Ang pagkabansa ay nagsisimula sa kapasyahan ng kalooban na palayain ang sarili at umibig sa Maykapal at sa kapwa.