HomeSaliksik E-Journaltomo 3 bilang 2 (2014)

Kaisipan at Karanasan sa Ugnayang Panlabas ng Katipunan, 1892-1897

Adonis L. Elumbre

Susing salita: Social Science

 

Abstrak:

Layunin ng artikulong ito na bigyang-salaysay ang kaisipan at karanasan sa ugnayang panlabas ng Kapilipinuhan mula 1892 hanggang 1897, panahon kung kailan naging tagapagtatag at Supremo ng Katipunan, at Pangulo ng Haring Bayang Katagalugan si Andres Bonifacio.

 

Ilalahad dito na kahit sa limitado at nilimitahang pamamaraan, ginamit ang ugnayang panlabas upang maigiit ang hangaring ganap na kalayaan.  Taliwas sa karaniwang pamamalagay na sa Republikang Pilipino lamang ng 1898 o 1946 malay na pinairal ang ugnayang panlabas bilang kasangkapan ng estado sa pagsusulong ng interes nito, ipapakita sa mga isasalaysay na halimbawa na may kaisipan at karanasan na sa ugnayang panlabas ang naunang pamahalaan at ang kilusang nagluwal nito.

 

Tungtungan ng pag-aaral ang mangilan-ngilan at kalat-kalat na sulatin hinggil sa ugnayang panlabas sa panahong nabanggit.  Gagamitin din ang mga primaryang batis at mga makabagong pag-aaral sa mga ito, gayundin ang mga makabuluhang pananaw sa larangan ng kasaysayan at ugnayang panlabas.  Palilitawin sa papel na ang ugnayang panlabas sa yugtong ito ng kasaysayan ay bunga ng talaban ng ideolohikal—na sa pinakabuod ay pagpapatatag ng loob ng bayan, at ng geopulitikal—na pakikipag-ugnay sa labas ng bayan batay sa umiiral na pandaigdigang kaayusang pangkapangyarihan sa tunguhin ng pagwawagi ng himagsikan.