Nalathala sa ating mga aklat pangkasaysayan na natuklasan ng mga Kastila ang Katipunan sa pamamagitan ng kusang-loob na pag-uulat ni Teodoro Patino, isang katipunero, kay Padre Mariano Gil, ang kura parokong Tundo, noong ikalabinsiyam ng Agosto ng 1896.
Narito naman ang ilang ulat sa pagkakatuklas ng Katipunan na nauuna sa sumbong ni Patino batay sa salaysay ng manunulat na Kastila Jose M. del Castillo y Jimenez sa kanyang akdang El Katipunan o el Filibusterismo en Filipinas, na nalathala sa Madrid noong 1897, na aking natunghayan sa akingpananaliksik sa Aklatang Pambansa ng Espanya noong 1990.
Binabanggit ng may akda na angmga mahahalagang pangyayari noong himagsikan ay lingid sa kaalaman ng mga pangkaraniwang tao ngunit hindi sa mga maykapangyarihan. Sa Maynila, may Brigada ng Pagsubaybay at naunawaan ng mga katutubo ang kahalagahan nito kung kayat ipinasok nila dito ang apat nilang kasamahan, na nahuli naman noong dakong huli. Batid ng Brigada ang lugar ng mga pangyayari at ang ilang tauhan, kung saan nagaganap ang mga pagpupulong, sinu-sino ang mga dumadalo at kung ana ang pinag-uusapan, ang ugnayan ng mga taga-Maynila sa mga taga-lalawigan ng Luzon at kung sinu-sino ang mga bumubuo sa pangkat na humihiling ng proteksyon sa bansang Hapon.