Layunin ng papel na ito na ipakitang ang indie film ay maaaring maging “alternatibo” upang labanan ang namamayaning kanluraning gahum, partikular na ang gahum ng pelikulang Hollywood. Gamit ng papel na ito ang teoryang post-kolonyal ni Bienvenido L. Lumbera. At sa pamamagitan nito ay naghahain ng dalawang tanong na maaaring maging gabay para sa indie filmmaker sa paggawa niya ng kanyang pelikula: (a) Para kanino ang pelikula? (b) Paano gagamitin ang pelikula upang pagsilbihan ang masang Filipino? Sa halip na gayahin ang kanluraning paraan ng pagsasalaysay, maaaring gamitin ng filmmaker ang mga uri o genre ng pelikulang pamilyar na at tanggap ng masa upang maging tulay sa pagsisiwalat ng mga usaping dala ng ating kolonyal na kaisipang siya namang resulta ng mahigit sa isang daang taon ng kolonyalismo at imperialismong kultural ng Estados Unidos. Sa madaling salita, magagamit ng indie filmmaker ang melodrama, horror, comedy, kuwento ng pag-ibig, at iba pa upang maipaabot sa manonood ang mga ideyang kontra-gahum. Dito makikita ang isang tunay na alternatibong Pelikulang Filipino.