Kinatatakutan ng tao ang ahas. Madalas na kapag nakakita ng ahas sa bahay o sa daan, pinapatay na agad ito. May panimulang takot o primordial fear ang ating mga ninunong unggoy kapag gumagapang ang mga ahas sa lupa kaya nanatili sila sa itaas ng puno upang hindi matuklaw ng ahas at mamatay dahil sa kamandag nito. Lalo pang umigting ang pagkamuhi ng mga tao sa ahas nang maipalaganap ang paniniwalang Kristiyano na niloko ng ahas si Eba kaya napalayas sa Paraiso ng Diyos ang tao. Subalit makikita sa epikong Ibalon ng Bikol at iba pang kuwentong bayan ng Pilipinas na iginagalang, at maaaring sinasamba, ang ahas.