HomeDALUMAT E-Journaltomo 1 bilang 1 (2010)

Sa Wikang Ipinaghele ng Bagong Henerasyon: Isang Pagtatanghal sa Wikang Filipino sa Kandungan ng Postmodernismo

Zig Madamba Dulay

 

Abstrak:

Binati ako ng kulob na hangin pagbukas ko ng pinto ng aking kuwarto. Parang pinamukha sa akin ng hangin na kailangan ko nang maglaba ng pantalon, magpalit ng kobre kama at maglaba ng medyas. Pero katulad ng dati, di ko ‘to pinansin. Sanay na ako. At saka isa pa, hindi pa ‘yun ang isked ko para maglinis dahil marami pa akong gagawin. Ang pagbukas ko ng ilaw ay sinabayan ng pagpasok sa aking isipan na kailangan kong gumawa ng papel tungkol sa postmodernismo at ano ang koneksyon nito sa Wikang Filipino para sa aking isang sabjek na sulating experimental. Buo na ang buong papel sa aking isipan. Ilang araw ko na ring inupuan sina Eagleton, Baudillard, Jameson at Lyotard. Ilang tasa ng kape na rin ang nainom ko sa pagtambay sa kanila. Kahit nag-nosebleed ako, ayos lang. Syempre, kabisado ko na rin ang mga kabulastugan nina Bob Ong, Eros Atalia, Vlad Gonzales, Jun Cruz Reyes, Allan Derrain, Edgar Samar at kung sinu-sino pa na sa pagkakaalam ko’y malaki ang maitutulong nila para sa papel na aking binabalak. Ang mga libro nila ang pinaniniwalaan kong may bahid ng postmodernismo. Sila kasi ang mga nagsusulat sa panahon ngayon. Talagang handa na ako at ang kulang na lang talaga ay ang pagsisimula at syempre ang pagwawakas. Pero ang malaking problema talaga dun ay kung may katuturan ba ang aking maisusulat pagkatapos.