Bago pa man dumating ang mga Kastila, pinaniniwalaang ang mga katutubong Pilipino ay naniniwala na sa kapalaran o tadhanang maaring mangyari na itinakda sa isang tao. Ito ang kanyang kapalaran. Nakaguhit na ito sa kanyang palad.
Ang kapalaran ay nagmula sa salitang ugat na ’palad’ na metatesis ng salitang ‘dalap’ (Austronesian root/Bisaya) o ang unat na kamay. Ang likod ng dalap ay palad. Ang ka- na nangangahulugan ng katakdaan o hangganan at –an na nangangahulugan ng katayuan, kalagayan o panahon ng pangyayari. Ang himalad ay ang katutubong paran ng pagbabasa ng guhit ng palad sa pamamagitan ng isang lider-ispiritwal (babaylan) ng isang grupo. Diumano, ang mga posibleng mangyari sa isang indibidwal ay nakatakda na sa kanya. At makakatulong ang guhit ng palad upang ito’y mabasa. (Scott 1994).
Kung kaya’t ang kapalaran ay masasabing maaring maging kalagayan ng indibidwal sa lipunan, pamayanan o pamumuhay o di kaya ay maaaring mangyari, nangyari o nangyayaring kabutihan o kasamaan, swerte o malas, lungkot o saya na may kinalaman sa kanyang buhay.