Sa panahon ng walang habas na globalisasyong pang-ekonomiko at sa kabila ng pagkalugmok nito sa kumunoy ng matinding krisis, patuloy nanangingibabaw sa ekonomya ng Pilipinas ang Estados Unidos at mga kaalyado nito. Tumatagos sa edukasyon, kultura at panunuring pampanitikan ng Pilipinas ang ganitong gahum, hegemonya o pangingibabaw ng mga pamantayang kanluranin at/o banyaga. Gayunman, sa pagtindi ng pandaigdigang krisis, dumarami ang mga mamamayan na nagsisimula nang tumutol sa hegemonya sa ekonomya at kultura ng Estados Unidos, ang nangungunang bansang tahas na kapitalista. Sa larangan ng panitikan, untiunting lumalakas ang mga panawagan at pagtatangkang ikiling ang panunuring pampanitikan mula sa pagbibigay-tuon sa porma tungo sa pagbibigay-diin sa nilalaman. Nanunumbalik sa kontemporaryong diskurso ang pagtanaw sa panitikan bilang salamin ng lipunan, sa halip na bukod na entidad. Muling nabubuhay ang interes ng mga akademista sa kritisismong ginagabayan ng Marxismo. Kakatwa na sa ganitong proseso, mga padrong kanluranin at/o banyaga pa rin ang nangingibabaw. Hindi pa gaanong marami ang mga kritikong kagaya nina Epifanio San Juan, Rosario Torres-Yu, Elmer Ordoñez, Bienvenido Lumbera at Rolando Tolentino na nangangahas na sumalungat sa gahum ng mga pormalista sa pamamagitan ng indigenisasyon ng kritisismong Marxista sa konteksto ng karanasan ng mga Pilipino.