Susing salita: Kalinangang bayan
“Kabisera ng Industriya ng Sapatos” ang naging pagkakilanlan ng Marikina sa maraming taon. Sa kabila ng pagtamlay ng industriya ng sapatos sa kasalukuyan, nanatili itong panlabas na tatak ng bayan na iginigiit ng mga istrukturang tulad ng Marikina Shoe Museum at ng kinikilalang pinakamalaking pares ng sapatos sa buong mundo batay sa Guiness Book of World Records. Gayundin, sa kasalukuyang politikal na kaganapan, nailulugar ang Marikina bilang modelo ng kalunsuran. Sa ganitong mga panlabas na pagtingin sa Marikina bilang sentro ng industriya at ng urbanisasyon, naisasantabi ang bigkis ng pagiging bayan mula sa ugnayan ng tao sa kanyang kapwa at kalikasan (Rodriguez-Tatel 10). Samakatuwid, higit pa sa mga panlabas na larawan, isang hamon ang ganap na pagkilala sa Marikina mula sa loob. Nararapat na kilalanin ang Marikina hindi lamang bilang administratibong yunit, kundi lalo’t higit sa “pagpapakahulugan, paghuhugis, paglalarawan, paglikha ng lugar at tao batay sa iba’t ibang tinig at persepsyon, nakatitik man o salimbibig, sa pagdaan ng panahon” (Nelmida-Flores 1) o “sa natatanging kalinangan at kapaligiran ng nanahan dito” (sipi kay Salazar nina Navarro et al. 129-130). Samakatuwid, nararapat ang isang “pagpopook” o pagsasadiwa ng ako mula sa natatanging karanasan sa loob ng bayan (Nuncio at Nuncio 17). Kaugnay nito, ipinapanukala ng pag-aaral ang konsepto ng “salamyaan” bilang dalumat ng pagkilala sa bayan at pagkabayan na nakaugat sa kamalayang-bayang Marikenyo. Sa simpleng pakahulugan, ang “salamyaan” ay isang salitang Tagalog (bahagi ng diyalektong Marikenyo) na nangangahulugang “isang silungan kung saan ang mga Marikenyo, partikular ang mga matatanda, ay nagasasama-sama upang magpahinga, magkuwentuhan, magkainan, at maglibang” (Florendo-Imao 12). At sa mga umpukan at kuwentuhang nagaganap sa “salamyaan”, mahalagang masuri ang pagtatampok nito sa sama-samang pag-alam at pag-ugat sa kaakuhan ng bayang Marikina mula sa ugnayan nito sa kalikasan at tao sa kabila ng hamon ng modernisasyon