Wennielyn Fajilan | Rochelle Joy Rodriguez
Mula noong 2004, isinasagawa na ang taunang patimpalak na Sawikaan na nagbibigay-daan sa paghahanap ng Salita ng Taon bilang pagkilala sa patuloy na pag-inog ng mga salita sa lipunang Pilipino. Nakapagbigay-daan ang limang kumperensyang naganap upang makapagtalakayan ukol sa mahigit sa 50 salita na tinuturing na malaking bahagi ng komunikasyon at kulturang Pilipino sa kasalukuyan. Layunin ng pag-aaral na ito na suriin ang implikasyon ng mga salitang tinanghal bilang salita ng taon gaya ng jejemon (2010), miskol (2007), lobat (2006), huweteng (2005) at canvass (2004) sa ugnayan ng wika, kultura at lipunan sa kasalukuyang panahon. Itinatampok ang mga ito bilang matingkad na materyal sa panunuri sa nasabing penomenon. Gayundin, bilang mga nagwaging entri, masisipat sa mga nabanggit na salita ang pangkalahatang katangian ng iba pang mga salitang naging kalahok sa Sawikaan. Isisiwalat ng pag-aaral kung paano nagbabanyuhay ang morpolohiyang Filipino bilang buhay na wikang nakikipagtalaban sa iba’t ibang wika. Partikular nitong pagtutuunan ang impluwensya ng kulturang popular sa paghubog ng mga nasabing salita. Hihimayin rin sa pagtalakay ang mga pahiwatig ng mga salitang ito sa hubog ng kaisipang Pilipino at ang maaaring maidulot ng pag-unawa sa nasabing mga salita sa pag-unawa, pagtuturo at pag-aaral ng wikang Filipino sa kasalukuyan.