Ang seminal na pag-aaral na ito ay gumagalugad sa pananaw ng mga kolehiyong mag-aaral ng National Service Training Program One (NSTPOne) sa De La Salle Lipa na naging kalahok sa paligsahan ng paglikha ng mural ukol sa konsepto ng kapayapaan bilang isang karapatan. Sinipat ang kanilang mga nalilikhang kahulugan sa pamamagitan ng pagtingin sa pagsasanga-sanga ng kanilang konsepto, mga pagpapahalaga at materyal na katangian na matatagpuan sa kanilang likhang sining. Gamit ang analisis sa pagbasa ng imahe ni Guillermo (2001), ang 12 kalahok ay sinuri batay sa binuong pamantayan: Pundamental na semyotika, Iconic, Kontekstwal at Ebalwatib. Gamit ang flat latex bilang midyum, nangibabaw ang pangunahing uri ng kulay gaya ng pula, bughaw at dilaw na matatagpuan sa isa sa mga pangunahing imahe sa mural –ang watawat ng bansa. Matingkad ang ginamit na kulay na nagdulot ng positibong dating ng pananaw ng mga mag-aaral ukol sa kapayapaan. Ang buong espasyo ay pinuno ng montage ng mga imahe na sa pangkalahatan ay sumisimbolo sa konsepto ng kapayapaan bilang isang karapatan at ito ay nakaangkla sa iba’t ibang daymensyon ng lipunan gaya ng kultural, pulitikal, panlipunang ugnayan at pangkapaligiran. Sa pangkalahatan, ang mga likhang sining ay sumentro sa paglalahad ng kahulugan ng kapayapaan bilang kalayaan, kasunduan, katarungan, kaisahan at kaayusan.