Sa tradisyunal na kasaysayan, kadalasang ang papel ng kalalakihan ang nabibigyang-pansin gayong may mahalaga ring papel na ginampanan ang kababaihan sa mga pangyayaring may saysay sa mga Pilipino. Ganito rin ang masasabi natin sa mga epiko kung saan ang mga kwento ay umiinog sa pakikipagsapalaran ng mga bidang lalaki na siyang nakikipaglaban para sa tagumpay ng kanilang bayan. Kadalasang namamatay o nanghihina ang mga bidang lalaki sa epiko subalit sa bandang huli ay nabubuhay o lumalakas muli.
Sa papel na ito, hahanapin at itatanghal ang mga kababaihang may mahalagang papel na ginampanan sa muling pagkabuhay o pagbabalik ng lakas ng mga bidang lalaki sa epiko. Ito ay upang maitanghal ang kahalagahan ng kalalakihan at kababaihan sa lipunang Pilipino noon at ngayon. Tatalakayin ang tatlong epiko (isa mula sa Luzon, isa mula sa Visayas at isa mula sa Mindanao) at susuriin kung paano nakatulong ang kababaihan sa tagumpay ng mga bidang lalaki sa kwento. Bagamat kathang-isip lamang, ang epiko ay maaaring sumasalamin sa mga halagahin at konseptong umiiral sa lipunan sa isang partikular na panahon sa kasaysayan. Sa pamamamagitan ng mga epiko, maaaring magkaroon tayo ng ideya hinggil sa papel ng kababaihan sa sinauanang lipunan batay sa paagsasalarawan sa kanila sa mga kwento.