Ang papel na ito ay bunsod ng umiiral na kasikatan ng Social network sa Pilipinas partikular na ang Facebook. Layunin ng papel na ito na ipakita ang ugnayan ng Facebook sa kultura ng mga Pilipino na siyang magpapaliwanag sa mainit na pagtangkilik ng mga Pilipino sa Social network na ito. Gamit ang balangkas ng pagpapahalagang Pilipino na binanggit ni de Guia (2005), ang analisis ng papel na ito ay umiikot sa aspeto ng Kapwa bilang Core Value, Pakiramdam bilang Interpersonal value, at Kagandahang-loob bilang Socio-personal value. Gamit ang mga piling websites na nagdedetalye kung paano ginamit ang Facebook sa isang sitwasyon ng pakikipag-ugnayan, ipinapakita ng papel ang mataas na antas ng interpersonal na aspeto ng mga Pilipino sa pakikipag-ugnayan. Nagbibigay din ng papel na ito ng isang pananaw kung paano ang Facebook ay maaaring maging isang mabisang paraan ng pagtutulungan sa mga Pilipino ng sa gayon ay mapakinabangan ng lubos ang mga kabutihang hatid ng pagiging konektado sa internet at pagiging kasapi ng isang Social Network kagaya ng Facebook. Sa ganitong paraan, mababawasan ang mga alalahanin tungkol sa negatibong hatid ng teknolohiya at mas lalo pang mapapatibay ang positibong aspeto ng pagiging “sociable” na kalikasan ng mga Pilipino. Inaasahan din na ang papel na ito ay makakadagdag sa mga literatura sa cultural studies hinggil sa epekto ng makabagong teknolohiya at komunikasyon sa lipunang Pilipino.