Jefferson De Jesus | Eldine Cerdena | Enrico Lalusin
Discipline: Psychology
Ang pag-aaral ay naglayong matuklasan at masuri ang sikolohiya ng panatisismo sa mga babaeng teen idol ng mga piling kabataan na nanonood sa GMA at ABS-CBN Studios. Kwalitatibong pamamaraan ng pananaliksik and ginamit sa pag-aaral na ito upang matugunan ang layuning nabanggit. Limang (5) miyemro ng iba’t-ibang fans club ang naging katuwang sa pag-aaral. Isinagawa ang pagkalap ng mga datos gamit ang mga katutubong metodo tulad ng pakapa-kapa, pakikipagpalagayang loob, at pagtatanong-tanong, subali’t ang pangunahing metodo na ginamit ay pakikipanayam. Ang mga ito ay sinusugan din ng direct observation at pagsulat ng research journal at sinuri sa pamamagitan ng tematikong paghihimayhimay.
Ayon sa resulta ng pag-aaral, ang panatisismo ay isang debosyon na kung saan ang material at di-materyal na bagay ang manipestasyon. Gayundin, nakita na nagiging isang panatiko ang isang indibidwal dahil sa mga personal at pangkapaligirang mga salik at kaakibat nito ang mga katangian ng idolo na kinahuhumalingan ng isang tagahanga gaya ng kagandahan, kahusayan, at mabuting asal. Hindi rin maikukubli ang kasiyahang dulot ng mga karanasan o mga pakikipagdaupang palad ng mga panatiko sa kanilang mga idolo na kung saan ay malaking impluwensya upang lumalim ang kanilang paghanga. Sa kabuuan, nakita na nagkakaroon ng positibong implikasyon sa pagkilanlan sa sarili ng mga kabataan ang isang pagiging panatiko dahil nagsisilbi ito bilang isang instrumento sa pagkakaroon ng kamalayan sa sariling kakayahan at pagkaunawa sa pagiging natatangi. Sa pagbuo ng identidad, humuhugot ang mga panatiko ng inspirasyon at bumubuo ng iba’t ibang aspirasyon na maaaring makamit. Ang panatisismo bilang paraan ng mga kalahok upang tuklasin at buuin ang identidad ay nagdudulot ng mabuting implikasyon.
Inirekomenda sa pag-aaaral na ang mga kabataan ay dapat malaman ang mga limitasyon sa pagkakaroon ng isang idolo o tinitingalang tao. Mahalaga din ang pagpapalawig at pagpapalalim ng media psychology sa paralan at konstekto ng sariling kultura dahil sa ang mga ito ay gumuguhit ng malaking epekto sa buhay at karakter ng bawat indibidwal.