Discipline: Philosophy
Hanggang sa kamakailan, ang suliranin o problema ng pagpahalaga (value) ay nasasarili ng etika, isang sangay ng pilosopiya. Ito ang tinatawag na axiology na hango sa salitang Griyego axios, "nararapat" at logos, "salita"; samakatuwid, "salitang tungkol sa nararapat." Ngunit unti-unting nagiging kapwa-suliranin ng sosyolohista at siyentipiko ang pagpapahalaga. Gusto ng mga sosyolohista na makaiwas sa pagpapahalaga at tawagin ang kanilang mga ulat na value-free o hindi batay sa pagpapahalaga. Ang mga siyentipiko ay ibig ding makatakas sa tinatawag na value-judgments o pahayag na nababatay sa pagpapahalaga. Maaari bang makaiwas ang mga sosyolohista sa pagpapahalaga samantalang ang kanilang layunin ay ang makaunawa sa tao na nakababad sa pagpapahalaga? Maaari bang makatakas ang mga siyentipiko sa pagpapahalaga samantalang sa pagpili pa lamang nila ng mga datos ng pananaliksik ay gumaganlit na sila ng pagpapahalaga? Ito ang dahilan kung bakit si Gunnar Myrdal ay nagsabing ang pagkiling o hinihiligan diumano ng mga siyentipiko ay malalim na nakabaon sa kanilang kamalayan, at ito ay nangingibabaw sa bawat hakbang ng kanilang pananaliksik.