HomeMALAYvol. 6 no. 1 (1987)

ANG SALITA SA LABAS NG SALITA: Isang Pagbasa sa Pagkamulat ni Magdalena

Cirilo F. Bautista

Discipline: Literature

 

Abstract:

Ang pagbasa kay Alejandro G. Abadilla (1906-1969) ay isang pakikipagsapalaran, kahi't na maraming palatandaan at babala sa lansangan. Hindi dahil sa walang tiyak na patutunguhan, kundi dahil sa ang mga manlalakbay ay baka magayuma ng mga mismong senyas at malimutan na ang pakay ng kanyang paglakad. Sapagka't si Abadilla ay isang salamangkero, sa tunay na kahulugan ng salitang ito, ginagalugad niya ang guniguni ng mga mambabasa upang mabuksan ang kanilang isipan sa mga bagong karanasan at katunayan; ginugulo niya ang pag-iisip ng mga ito upang umisip ng katotohanan kahi't hindi niya ipinapakita ay makikita nila. Ang mga tula ni Abadilla, halimbawa, ay isang karanasan, sapagka't isang pakikitunggali. Nang sabihin niyang "Ako/ang daigdig/ako/ tula/ako/ang daigdig/ang tula/ako/ang daigdig/ ng tula/ang tula/ng daigdig," ito'y hindi isang pagyayabang kundi pag-amin lamang sa malawak at makahulugang sining ng makata, na walang hangganan o bubong. Ito rin ay isang pagtanaw sa pagkakaisa ng pagkakakilanlan (identity) ng tula at ng makata. Ang tula ay ang makata, at ang makata ay ang tula.