HomeMALAYvol. 6 no. 2 (1987)

Ang Kaugnayan Ng Wikang Pambansa At Edukasyon

Emerita S. Quito

Discipline: Linguistics

 

Abstract:

BUHAT NOONG MGA panahong Medyoebo at Renasimyento hanggang sa kalagitnaan ng panahong Moderno, ang ginamit na wika ng mga intelektuwal sa Europa ay ang Latin. Sa Latin isinulat ang mga aklat sa pilosopiya noong mga panahong iyon upang lalo pang maraming dalubhasa ang maabot ng mga ito. Samakatuwid, inaasahan ng lahat na ang isang intelektuwal ay hindi lamang nakapagsasalita sa kaniyang sariling wika, kundi nakapag-aral at nakauunawa rin ng wikang latin. Ito ang dahilan kung bakit nang sumulat ang henyo ng Renasimyento na si Giovanni Pico, lalo pang tanyag sa pangalang Pico della Mirandola, ng isang Compendium na naglalaman ng 899 tesis at nang hamunin niya ang mga matatalinong tao sa Europa na makipagtalo sa kaniya tungkol sa mga tesis na ito, ang paghamon ay hindi sana niya naisagawa kung hindi siya dalubhasa sa Latin. Ang kalagayang ito ng wika ay nagpatuloy sa ilang pamantasan ng Europa hanggang sa Ikalawang Konsilyo Vaticano. Alam ko ito sapagkat naranasan ko pang makinig ng mga panayam at sumulat ng mga aralin sa klasikal na wikang nabanggit.