Discipline: Philippine Constitution
Hayaan ninyong makilala nating mabuti si Lope K. Santos.
Hindi lamang siya haligi ng panitikang Tagalog dahil sa kanyang nobelang Banaag at Sikat at hindi mabilang na mga tulang kanyang nasulat. Siya'y isang taong naging babad sa pulitika dahil sa kanyang posisyong gobernador ng Rizal at senador ng bansa at bukod pa sa isang labor leader na nagturo ng "marxismo" at "sosyalismo" sa mga manggagawang Pilipino. Naging kontrobersiyal siyang pantas-wika nang sulatin niya ang Balarila ng Wikang Pambansa - ang abakada ng wikang Tagalog, at nitong dekada sisenta nang tinanggihan niya ang pensiyong P12,000 taun-taon habang siya ay nabubuhay dahil sa hindi inaprobahan ng Kongreso ang "Pilipino" bilang wikang pambansa (Aspillera 1972).
Utang din kay Lope K. Santos ang pagkakalagay ng Tagalog sa Konstitusyon ng 1935, ng "pauunlaring Filipino" sa Konstitusyon ng 1973, at sa wakas, ng "Filipino, bilang wikang pambansa" sa Konstitusyon ng 1986 - sapagkat kung wala ang Balarila ng Wikang Pambansa na kanyang sinulat, walang gramatikang mapagbabatayan ang wikang pambansa, hindi ito mapauunlad, hindi ito maisusulong, hindi ito mailalagay sa malawak na pagsusuri upang isilang ang "bagong balarila" na sinulat ng mga makabagong pantas-wika.
Ngunit hindi siya - si Lope K. Santos - ang magiging paksa ng iba't ibang pagbasa, iba't ibang diskurso, kahit maaari nating gawin iyon; gayunman, ang nakatakda'y pagbasa ng Artikulo XIV, Seksiyon 6 hanggang 9, ng Konstitusyon ng Pilipinas, circa 1986.