Discipline: Philippine Culture, Filipino Language
Ang wikang Filipino, tulad ng alinmang wika sa daigdig, ay may sinilangang lugar. Sa lugar na ito, gumamit ang mga tao ng wikang magbubuklod sa kanila. Sa wikang ito naipahayag ang nabuo nilang karunungan, paniniwala, sining, batas, kaugalian, pagpapahalaga, at iba pang kaangkinang panlipunan. Ang mga ito, na kultura sa kabuuan, ay nagpasalin-salin sa bawat henerasyon sa pamamagitan din ng wikang yaon.
Sa patuloy na pag-unlad ng wika, sa patuloy na pagyabong nito, bunga ng pakikisalamuha ng mga katutubo sa mga dayuhan-mananakop o kaibigan na may naiibang kultura - ang wikang ginagamit na kasangkapan sa pakikipamuhay ay yumaman sa salita. May mga salitang hiram at ligaw na ganap nang inangkin. Sa paggamit sa mga katawagang ito sa mga pahayag na may kayarian o kaanyuang katutubo, kasama ang mga likas na katawagan, ang mga inangking salita ay nagkaroon narin ng katangiang Pilipino, nagkaroon ng kulay at karakter na Pilipino, at naging kasangkapan na sa pagpapahayag ng kulturang Pilipino.