Discipline: Literature, Government, Socialism
Kung mayroon pang hindi naniniwala na may kaugnayan ang kritikang pampanitikan sa gyera sa Gulfo ay balikan natin ang dalawang pangungusap na binigkas sa gitna ng labanan. Ang una'y sinabi ng ilang piloto at riporter na Amerikano nang ipalarawan sa kanila ang Baghdad sa unang gabi ng pagbobomba. Anila, "It looks like a Fourth of July [fireworks] display at the Washington Monument!" (Time 1991a: 16; Time 1991b: 35; Torre 1991: 19). Ang ikalawa'y galing sa Communique Bilang 14 ng Iraq: "The wave of barbarous aggression has crashed against the walls of the impregnable citadel of Iraqi resistance" (AFP 1991). Makikita sa dalawang pangungusap na ito na ginagamit ang talinghaga bilang bahagi ng gyera. Dahil ang espesyalista sa talinghaga ay mga kritiko, madali nating makikita na malaki ang maitutulong sa atin ng kritika kung nais nating maintindihan ang kabuuan ng mga pangyayari sa Gulfo.