Discipline: Literature
UNANG kinausap ng makatang-bayan, ng makata ng bayan, ang kanyang kaharap, kaniig, sa paraang luwiran o sa di-tuwiran kaya. Kung iisipin, talaga namang inihahayag ng tao - di man makata, hawig lang sa makata, o kaya'y siyang makata na nga - ang kanyang ibig sa wikang alam niyang akma, mabisa. Pumapasok ang makata - o sinumang may ipahahayag, na walang salang kakatha, bubuo ng katha - sa ibang kamalayan. Sa kanyang pagpapahayag, mayroon siyang itinatakdang kausap - tiyak man o hindi, sukat lang na mayroon. Kausap niya ang kanyang tuon-pansin, ang pokus ng kanyang pagpapahayag, at sa ganito, bumubuo siya ng balangkas, at dito'y ikakama niya ang lalong tamang salita, tambalan nito, lipon nito.
Isipin mo: kung magsasabi ka ng anuman, iaangkop mo sa panahon at layunin ang iyong pamaraan - pamaraan yaong humihingi ng tamang salita, tamang tono, tamang diwa. Bawat isang nagpapahayag ay isang taong ma-katha, isang makata; binabalutan niya ng salita ang realidad, at sa isa o ilang hudyat niya, nakabuo na siya ng kathang pahayag. May modelong hinuhuwad - tawaging huwaran - ang sinuman sa atin na nagsasalita. Naisip mo ba na ikaw ay hinuhuwad, namamalayan mo man o hindi? Sa pagpapahayag, mabisa man o matabang, malakas man o mahina, mayroon kang huwarang sadya o di-sadya. Kaya nga ang tao ay nakikinig (sa isang panahong salimbibig ang lalong marikit na kaisipan) o kaya'y nagbabasa o nanonood (sunod sa humantad na pangyayari, babasahin, o panoorin). Ang tao tuwina'y nag-iisip - bumabalangkas, bumubuo, bumubuwag, ng pahayag, una sa isip, at saka dadaloy, aalon yaon; at nagbibigay ng halaga - tumatawad, tumatanggi, tumatanggap; at nagbibigay ng kahulugan - sumusukat, sumasamba, sumusugat.