Discipline: Religion
Isa lamang ito sa mga naging objecsyon ng ilan para tanggapin ang kabuluhan na pag-usapan ang Filipinong Ispiritwalidad. Isa na rin sigurong dahilan ito kung bakit ayaw ng iba sa ganitong talakayan. Ganoon pa man, nais kong maipakita sa papel na ito na may kabuluhan na pag-usapan ang Filipinong Ispiritwalidad. At may mga batayan para talakayin ito. At bago siguro simulan ang usaping ito, maganda rin na iclarifay muna natin ang pakahulugan ng "ispiritwalidad."
Sadyang napakalawak ng paksang ito. At bagama't malimit gamitin ang ispiritwalidad sa pakahulugang "pamamaraan kung paano nakikita ng mga tao ang Diyos o mga pamamaraan kung paano nakikipag-ugnayan ang mga tao sa Kanya" (Gutierez 1984: 3-12), ito ay maaari din namang tumukoy sa mga pananaw ng tao, mga paniniwala o mga ginagawa ng tao na siyang nagtutulak para makamtan nila ang hindi materyal na mga bagay o supersensible realities (Wakefield 1983: 361-362). Samakatuwid, ang ispiritwalidad ay maaaring tumukoy sa isang pagano, Kristyano o maging sa isang taong walang relihiyon.