HomeMALAYvol. 12 no. 2 (1994)

Kasaysayan ng Filipinas: Kakaiba Nga Ba?

Reynaldo Y. Palma

Discipline: History, Philippine History

 

Abstract:

Masasabi na ang kasaysayan ng bansang Filipinas ay tunay na kakaiba at makulay. Punong-puno ito ng pakikipagtunggali at pakikibaka upang ang mga mamamayan nito ay mabuhay nang malaya.

 

Sang-ayon kay Renato Constantino, isang kilalang historyador, ang bansang Filipinas ay apat na ulit "napalaya" ng mga banyagang mananakop sa kabuuan ng kanyang kasaysayan.

 

Una, dumating ang mga Kastila at "pinalaya" ang mga Filipino mula sa "pagkakaalipin ng mga dimonyo;" sumunod na dumating ang mga Amerikano at "pinalaya" sila mula sa pang-aapi ng mga Kastila, pagkatapos sumalakay naman ang mga Hapon at “pinalaya" sila sa kuko ng Imperyalistang Amerikano, at bumalik ang mga Amerikano upang palayain naman ang mga Filipino sa kamay ng mga pasistang Hapon. Sa bawat pagkakataon na sila ay “napapalaya”, nararanasan nila na ang kanilang bansa ay napapasa - "mabuting kamay." Napapasa-mabuting kamay nga ba ang mga Filipino? Kung susuriin, habang sinasabi na tayo ay pinalalaya, lalo naman tayong natatalian.

 

Nakibaka at lumaban ang mga tao sa bawat pananakop. Ang pakikibakang ito ay naghahangad ng mga pagbabago sa kondisyon ng kanilang pamumuhay, pulitika at ekonomiya. Ang mga pakikibakang ito ay may malalim na epekto sa kamalayan ng mga mamamayan (Constantino 1975: 12).