Discipline: Filipino Culture, Ethnic Music
Sinasabing ang musika at iba pang sining ng isang bansa ang lalong mainam na paghanapan at pagkakitaan ng mga lunggati, kaiinangan at kapritso ng isang lipi. Yaon ang mga hindi matatawarang batayan sa pagpasya kung ano ang diwa ng isang bansa. May likas na pagkahilig sa musika ang mga Filipino. Mayroon silang pagpapahalaga at pagmamahal sa musika sa isang antas na maihahambing sa ipinamamalas ng ibang mga dayuhang nanirahan sa Filipinas at nakisalamuha sa mga Filipino (Banas 1924).
Sa mahabang kasaysayan ng daigdig ay may tinatawag na Panahon ng Bato, Panahon ng Tanso at Bronse, at Panahon ng Bakal na nagpapakilala ng antas ng kalinangan ng isang lipi. Sinasabing iyong ikalimang pangkat ng mga dumayo sa Filipinas noong mga 800-500 B.C., bagama't hindi gaanong marami, ay naghatid sa kapuluang ito ng naiiba sa mataas na antas ng kalinangan. May dala silang mga kagamitan at palamuting yari sa tanso at bronse. Sila ang unang nagtanim dito ng palay at gumawa ng mga hagdan-hagdang taniman nito. Sila rin ang nagturo ng pagmina sa tanso at paraan ng pagpanday rito (Beyer at de Veyra 1952). Malaki ang naitulong ng pagkakilala sa gamit ng tanso at bronse sa paglinang ng diwang masining ng mga tao. Marami silang nagawang sibat, mga kagamitan sa pagluluto at paggawa, at mga pampalamuti sa katawan, tambol, gong, at kampana pa. Ang pagkakaroon nila ng tambol, gong, at kampana ay nagpapahiwatig na sila'y maunlad sa panlipunang sining ng musika at pagsasayaw.