Discipline: Education, Literature
Mariing pinahahalagahan ang kakayahan ng tawa upang pagaanin at pasayahin ang kalagayan ng buhay ng tao. Sa tawa lamang, 'ika nga, may redempsyon mula sa problemang kinahaharap ng sinuman. Sa ngiti, hagikhik, o halakhak naibubulalas ang tanging paggapi sa kalungkutan. Sa tawa nagkakaroon ng pagtudling sa sakit at pag-ahon upang purgahin ang emosyon ng tao mula sa kabigatan ng saloobin o damdamin. Di nga ba't tinaguriang isang therapyang pagtawa? Laughter is the best medicine and humor is the spice of life (Batacan 1966). Kung susuriin nang mabuti ang tawa ay isang mekanismo ng damdamin na nagbibigay-laman sa puwang 0 guwang sa damdamin ng isang malungkuting tao 0 di kaya'y yaong naghahanap lamang ng kasiyahan sa buhay. Kung kaya't, mahihinuha sa sikolohiya ng tao ang pag-imbento niya ng mga kaparaanang magpapaaliw sa kanya. Dapat may bagay na pinagmumulan ng aliw, may mga persona 0 maskara na nagtatanghal at may mga pangyayaring nagiging tampulan ng kasiyahan. Ito ang nagging dahilan marahil kung bakit naging tanyag ang matsing sa mga kuwentongbayan at ilang pabula na kinawiwilihan sa bayan-bayan. Dagdag pa rito, ang pagkakaroon ng payaso, pusong, kengkoy, aktor sa entablado o saan man ay naging popular sa pagbibigay-kasiyahan. Ang eksenang nadulas, nadapa, nahulugan ng mabigat na bagay, at marami pang iba ay mga pangyayaring nagdudulot ng katawa-tawang reaksyon sa iba. Maging ang paghahalo ng imahinasyon at libido ng tao upang kilitiin ang sexual na sensibilidad ay nagiging katawa-tawa rin; ito ang tinaguriang green jokes o toilet humor. Maaaring may nakaligtaang isama sa ganitong paggalugad sa penomenon ng tawa subalit ang kalikasan at kakayahan ng tawa upang magbigay ng aliw ay isang malawak na sakop ng sikolohiya. Ang mga halimbawa sa itaas ay mahalagang mabanggit upang bigyan ng pagtatasa o kaibahan sa isang uri ng tawa o pagpapatawa na nakaangkla hindi lamang sa damdamin o emosyon ngunit maging sa kamalayang Pilipino.