HomeMALAYvol. 26 no. 1 (2013)

Ang Bayan Bilang Kapwa: Katwiran at Batas sa Hinilawod

Raniela E. Barbaza

 

Abstract:

“Kaingayan” ang literal na ibig sabihin ng karibukan, salitang Bikol na ang ugat na salitang ribok ay nangangahulugan ng “ingay.” Dinadala tayo ng pagpapakahulugang ito ng karibukan sa pagdalumat sa tao bilang isang nilalang na nagwiwika. Kung ganito ang pag-unawa ng isang salitang Bikolnon sa pagkatao ng tao, paano kaya dinadalumat ng matatandang akdang pampanitikang Pilipino ang kaganapan ng tao? Sinusubukan sa papel na ito na mahugot ang ganitong pag-unawa sa tao mula sa matandang epiko ng Panay, ang Hinilawod. Gagamitin ang bersiyon na inawit ni Hugan-an at inirekord, trinanskrayb at isinalin sa Ingles ni Felipe Jocano.

Ganap ang pagkatao ng isang tao kung mayroon siyang wika. Ito ang sinasabi sa atin ng epikong Hinilawod. Isang nilalang na nagwiwika ang tao. Senyales ang katangiang ito ng kanyang kasarinlan bilang isang ganap na Isa. Gayunpaman, tulad ng mararanasan ni Humadapnon sa marahas na paraan, ang wika ay lunan at sagisag hindi lamang ng kanyang kaganapan bilang tao bagkus ng bayan mismo bilang kapwa. Inilalarawan nito ang bayan hindi bilang isang ganap at permanenteng kaisahan kung hindi isang espasyong patuloy na binubuo at muling isinasaayos sa pamamagitan ng mga nagwiwikang nilalang. Kumikilos bilang katwiran at batas ang bayan upang matiyak ang pagpapanatili at pagpapatuloy nito bagama’t nagpapatuloy rin ito bilang isang larangan ng tunggalian tulad ng ipinapahiwatig ni Nagmalitong Yawa sa katapusan.