HomeMALAYvol. 26 no. 1 (2013)

Ang Kabilang Mukha ng Autismo: Mga Pagpapakahulugan ng Mga Magulang sa Karanasan ng Pagkakaroon ng Anak na may Autismo

Ron R. Resurreccion

 

Abstract:

Ang layunin ng pananaliksik na ito ay masuri ang iba’t ibang pagpapakahulugan ng mga magulang sa kanilang karanasan ng pagkakaroon ng isang anak na may autismo. Sampung mag-asawa na may anak na may autismo ang lumahok sa pag-aaral. Ang kanilang mga anak ay may edad na mula anim hanggang 20 taon. Mahigit dalawang taon na ang nakalilipas mula nang malaman nila sa isang espesyalista na ang kanilang anak ay may autismo. Magkahiwalay na kinapanayam ang ama at ina ng batang may autismo at inanalisa ang datos sa pamamagitan ng content analysis. Ayon sa datos, may limang tema ang pagpapakahulugan ng mga magulang na may anak na may autismo. Ang unang tema ay “Kalooban ng Diyos.” Para sa mga magulang, ang kondisyon ng anak ay biyaya ng Diyos at hindi dapat itanggi. Ang ikalawang tema ay “Tagapagbigay-kasiyahan.” Ang kanilang anak ang nagpapaligaya sa kanila lalo na sa oras ng problema at pangangailangan. Ang isa pang tema ay “Daan sa pagiging mabuting tao.” Nadagdagan ang magagandang katangian nila dahil sa pag-aaruga sa kanilang anak. Ilan sa mga katangiang ito ay ang pagiging mapagpasensiya, pagkakaroon ng matatag na pananampalataya, at pagtanaw ng utang na loob. Ang sumunod na tema ay “Tagapagpatibay ng pamilya.” Dahil sa kanilang anak na may autismo, tumibay ang samahan ng pamilya. Ang ikalimang tema ay “Instrumento sa pagbabago ng komunidad.” Dahil sa kanilang anak, ang kanilang mga kapitbahay ay nagkaroon ng bagong pananaw sa mga taong may kapansanan. Ang kanilang karanasan ay nagsisilbing inspirasyon din ng ibang mga magulang.