Discipline: Education, Philosophy
Ipinatutupad na ng ikalawang administrasyong Aquino ang programang Kindergarten to 12 Years of Basic Education (K to 12) na suportado ng World Bank, mga organisasyon ng malalaking negosyante gaya ng Philippine Business for Education (PBED), Employers’ Confederation of the Philippines (ECOP), at Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI). Tinututulan naman ito ng ilang organisasyon ng mga guro gaya ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), at ng ilang mambabatas, mga magulang, at mga grupong nasyonalista. Bilang ambag sa pambansang diskurso hinggil sa K to 12, layunin ng papel na ito na suriin ang programang K to 12 sa pamamagitan ng paggamit ng mga kaisipan ng mga nasyonalistang Pilipino gaya nina Jose Protacio Rizal, Andres Bonifacio, Emilio Jacinto, at Renato Constantino. Bukod sa katutubong kaisipang nasyonalista, gagamitin din ng papel na ito ang kaugnay na Teoryang Dependensiya (Teoría de la Dependencia o Dependency Theory) na nagbibigay-diin sa sosyo-ekonomikong gahum (socio-economic hegemony) ng mga bansang mauunlad at/o industriyalisado (First World) sa mga bansang mahihirap at/o semi-industriyalisado o agrikultural (Third World). Sa pangkalahatan, tatangkaing sagutin ng papel na ito ang mga sumusunod na katanungan: 1) Bakit hindi maituturing na nasyonalista ang pangkalahatang framework at adyenda ng K to 12?; 2) Paano makaaapekto ang K to 12 sa kultura, politika, at ekonomiya ng bansa?; 3) Ano ang mga posibleng alternatibo sa K to 12, tungo sa pagbuo ng progresibo at nasyonalistang edukasyong Pilipino?