Discipline: Social Science
Ang pangingibang-bayan ang isa sa iilang natitirang pamamaraan na nakikita ng maraming pamilyang Pilipino para sa panlipunang mobilidad sa kasalukuyang panahon. Sa loob ng ilang dekada, ang polisiya sa pagpapaigting ng labor export ng pamahalaan ang nagtulak sa marami nating kababayan na maghanap ng kabuhayan sa labas ng bansa. Nilalayon ng papel na ito na dalumatin ang naging karanasan ng mananaliksik sa kanyang pakikipag-ugnayan sa komunidad ng mga Pilipinong naninirahan sa Venezia, Italya at sa pagtuturo ng wika at kulturang Pilipino sa mga bata at kabataang miyembro nito. Bibigyang-pansin ang mga pananda ng pakikipagnegosasyon ng mga Pilipino sa kanilang pagbuo, pagpapanatili, at paghubog ng transnasyonal na Pilipinong identidad sa isang dayuhang bansa. Gamit ang konsepto ng transnasyonalismong migrasyon, natuklasan na ang mga Pilipino ay patuloy na nakikipagnegosasyon para panatilihin ang kanilang pagka-Pilipino habang namumuhay at pumapaloob sa kultura at identidad ng mga Italyano.