Discipline: Literature
Masisipat ang tema ng katawan sa mga tula ng pag-ibig, pangingibang-bayan, paglulunggati, at pangungulila ng makatang Elynia S. Mabanglo. May sentral na gampanin sa kanyang mga akda ang katawan sa usapin ng obhetipikasyon at paggawa. Iba-iba ang paglalarawan at pagpoposisyon ni Mabanglo sa Pilipinong katawan batay sa mga depiksiyon ng kapagalan at paglaho nito alinsunod sa nagbabagong yugto ng kaayusang pang-ekonomiya ng lipunang Pilipino. Naging produktibong panahon ni Mabanglo ang dekada 80 at 90 sa pag-aakda hinggil sa manggagawang kababaihang migrante. Maituturing na piguratibong diskurso ng krisis pang-ekonomiya at pampolitika ang koleksiyon ng kanyang mga tulang tumatalakay at nagbibigay ng kongkretong imahen sa estado ng mga kababaihang manggagawa sa loob at labas ng Pilipinas. Ang bawat dayuhang bayang tinapakan ng mga persona at represibong karanasang tina(ta)la sa mga tula ay pawang pananagisag sa mga umiigting na krisis sa ilalim ng mga patakarang neoliberal. Replektibo sa lalong sumisidhing opresyon sa ating lipunan ang mga hinabing talinghaga at linyadong bersipikasyon ni Mabanglo hinggil sa epekto ng pagsikil sa pagpapalaya sa kababaihan. Ang depiksiyon sa panitikan, partikular sa panulaan, ng daluyong ng paglalako sa lakas-paggawa ng mga Pilipino ay pananagisag sa palsong kaunlarang nakabatay sa ideolohiya ng Kanluran.