Discipline: Education
Nilalaman ng papel na ito ang deskriptibong pagsusuri sa gamit ng Filipino bilang wika ng talakayan sa Advanced Filipino sa University of Hawaii sa Manoa. Pangunahing layunin ng pag-aaral na ito na masuri ang patern ng mga usapan at tungkulin ng elisitasyon sa mga talakayan sa klasrum. Sa pamamagitan nito, matutulungan ang mga guro para maging mabisa ang paggamit ng wika sa mga talakayan at upang maiangat din sa mataas na antas ng kaalaman at pagkatuto ang mga estudyante. Ang mga datos ng pag-aaral ay hango sa personal na tala ng mananaliksik at audio-recording ng talakayan sa klasrum. Ipinakita sa resulta ng pag-aaral na ang mga interaksiyon sa klasrum ay kadalasang kontrolado ng guro at nagpapakita ng mababang antas ng pag-iisip. Ang berbal na tugon ng mga estudyante ay limitado lamang sa salita at /o kaya’y parirala. Naging maluwag din ang paggamit ng halong-wika at palit-wika sa mga talakayan. Gayunpaman, ang mga interaksiyon sa klase ay nakahihikayat, kasiya-siya, nakatutulong at hindi nagdudulot ng anumang takot.