HomeThe Trinitian Researchervol. 1 no. 1 (2008)

Hinabing Mga Kwento/Mga Kwento ng Paghahabi ng Lola Ko (Ang Politikal-Ekonomi ng Abel Iloco sa Probinsya ng Ilocos Norte)

Marissa D. Onifa-mepranum

Discipline: Literature

 

Abstract:

Una kong nalaman ang mga salaysay na paggawa ng Abel Iloco mula sa mga kwento ng aking Lola. Naging interasado ako sa kanyang mga kwento kung kaya’t nagsilbi itong inspirasyon ko upang makapagsagawa ng pananaliksik ukol sa kalagayan ng industriya ng panag-abel sa Ilocos Norte at maging sa rehiyon ng Hilagang Luzon.

 

Sa pagtalakay sa pananaliksik na ito ay magsisilbing batayang teoretikal ang konsepto ng Moda ng Produksyon. Dito’y ipinapakita ang mga pwersa ng produksyon: mga manggagawang tagahabi at mga kapitalista. Gayundin, kasama sa pagtalakay ang mga relasyon ng produksyon at iba’t ibang sistema ng produksyon na mailalarawan bilang mala-piyudal at kapitalista.

 

Inilalarawan, isinasalaysay at sinusuri ng tesis na ito ang kalagayan ng panag-abel. Ito’y nagbibigay-pokus sa mga operasyon ng kooperatiba at nagpapakita ng iba’t ibang aspekto ng produksyon, maging ang mga pangunahing nagpapakilos sa industriya upang magbigay-daan sa mga maaaring pagbabago kapwa sa produkto at prodyuser. Isang masusing paglalarawan pa sa moda ng produksyon ang nagbibigay-daan sa mga pamamaraang inobatib para sa tradisyong estetiko at maging sa mga sinaunang gawain na maaaring magtanghal sa Abel Iloco na higit pa bilang isang natatanging produkto sa eksport.

 

Bukod sa batayang teoretikal ay sinusuportahan pa ito ng mga konsepto sa pag-aaral ng sining na kinabibilangan ng: produksyon ng sining at kultura ni Diana Crane at interpretasyon ng mga imahe ni Alice Guillermo. Higit sa lahat, ako ay bumuo ng modelo ng batayang konseptwal para sa pagsusuri sa mga aspeto ng produksyon ng Abel Iloco.

 

Upang maisakatuparan ang pagsasalaysay at pagsusuring ito, ako ay nagsagawa ng pagbisita, pakikipanayam at pakikipagkwentuhan sa mga lugar ng mga tagahabi at sa mga myembro ng kooperatiba, gayundin ang mga nagbebenta ng Abel Iloco at sa mga taong eksperto ukol dito. Ito ay naganap sa mga buwan ng Enero at Disyembre 2005.

Mula sa mga gawain at uri ng pamumuhay ng aking mga nakapanayam ay nakita ko ang kalagayan ng panag-abel partikular sa Brgy. 22 Nagbacalan, Paoay, Ilocos Norte. Sa ilalim ng Nagbacalan Loom-Weavers Multi-Purpose Cooperative, Inc. ay nakita ko ang sitwasyon ng panag-abel sa ilalim ng isang “kooperatiba.”

 

Bilang mga resulta ay: (1) isinalaysay ang tinahak na kasaysayan ng Abel Iloco na nagsimula pa bago dumating ang mga Kastilang mananakop; (2) ikinuwento naman ang mala-epikong kasaysayan nito at mga iba pang kaugnayan nito sa mga akdang pampanitikang Iloco na siyang sumasalamin sa Abel Iloco sa realidad; (3) inilarawan ang uri at paraan ng pamumuhay ng mga tagahabi sa Brgy. 22 Nagbacalan, Paoay, Ilocos Norte na isang simple ngunit masalimuot na kalagayan dahil sa kanilang kawalang-malay na uri ng eksploytasyong nararanasan nila sa ilalim ng produkyon ng Abel Iloco; (4) inilarawan din ang kalagayan ng mga Nagbacalan Loom-Weavers Multi-Purpose Cooperative, Inc. bilang isang operasyon ng produksyon ng Abel Iloco sa ilalim ng isang “kooperatiba” ngunit hindi naman kumikilos bilang isang kooperatiba sapagkat hindi malinaw ang kanilang mga stock, share at dividend. Higit sa lahat, nakita sa pagsusuri na malaki ang papel na ginampanan ng patronage politics, kapitalismo, at mala-pyudal na ekonomiya sa produksyon ng Abel Iloco sa probinsya ng Ilocos Norte.