Inilabas sa pagpupulong ng mga pinakamataas na pinuno ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) o ASEAN Summit noong 2007 ang Declaration on the Protection and Promotion of the Rights of Migrant Workers o ang tinawag na “Deklarasyon sa Cebu.” Ilang buwan makalipas ang pagpupulong, iniatang sa ASEAN Committee on the ASEAN Declaration on the Protection and Promotion of Rights of Migrant Workers (ACMW) ang responsibilidad na maghain ng isang instrumento o mekanismo para protektahan at itaguyod ang karapatan ng mga migranteng manggagawa ng ASEAN. Walong taon na ang nakalilipas pagkatapos na mabuo ang ACMW ngunit hindi pa rin natutupad ang itinakdang tungkulin nito.
Nais ng sanaysay na itong ipaliwanag kung bakit natatagalan ang ACMW na tuparin ang ipinangakong instrumento ng ASEAN. Igigiit sa sanaysay na ito na usapin ng ekonomiya ng paggawa at hindi ng sibil at pulitikal na karapatang pantao ang maugong sa debateng nakapalibot sa pagbubuo ng instrumento. Samakatwid, duda ang sanaysay na ito na (kung sakali) mailabas man ng ACMW ang instrumentong ito, hindi pa rin ito aayon sa batayan ng karapatang sibil at pulitikal na magiging daan para magkapantay-pantay ang karapatan ng mga migrante at mamamayan ng mga miyembrong bansa ng ASEAN. Manapa’y hindi magiging daan ang instrumento para mabigyan ng legal na estado ang mga tinatawag na “iregular na migrante” sa mga bansang tinutuluyan nila nang walang pahintulot mula sa pamahalaan kagaya ng inaasahan ng mga tagapagtaguyod ng karapatang pantao sa loob at labas ng rehiyon.